News
Philippine Davis Cuppers Umusad sa 2nd Round

Bandera
February 4, 2013

Sa ikatlong set lamang nagkaproblema ang tambalan nina Fil-Ams Treat Huey and Ruben Gonzales upang igiya ang Pilipinas sa second round ng 2013 Davis Cup Asia-Oceania Zone Group II na idinadaos sa Plantation Bay Resort and Spa sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Sina Huey at Gonzales ay nagtambal sa doubles na ginanap noong Sabado ng gabi at tinalo sina Issam Haitham Taweel at Marc Abdelnour, 6-0, 6-3, 2-6, 6-2, upang angkinin ang 3-0 sweep sa best-of-five tie laban sa Syria.

Ang pangyayari ay nagresulta para maging no-bearing ang mga reversed singles na itinakda sa pagtatapos ng kompetisyon kahapon.

Naunang nanalo ang host country sa opening singles at unang nagpasiklab ang beteranong si Johnny Arcilla laban kay Taweel, 6-4, 5-7, 6-1, 6-2, sa unang laro bago sunod nagwagi si Gonzales kay Abdelnour, 6-4, 7-6(1), 6-2, na nilaro noong Biyernes.

“Beterano sina Taweel at Abdelnour kaya hindi talaga naming expected na sweep ang kalalabasan ng tie. Pero determinado ang mga players,’ wika ni non-playing Philippine Davis Cup team captain Roland Kraut.

Aabante ang bansa sa second round laban sa Thailand na gagawin mula Abril 5 hanggang 7.

Nanaig ang Thailand sa Kuwait na siyang host ng tie matapos itala ang 3-1 iskor.

Hindi naman natatakot ang koponan sa Thais dahil layunin ng PH Davis Cuppers na bumalik sa Group I sa taong ito.

“Mataas ang morale ng team kaya kahit sino ay puwedeng maglaro sa singles o sa doubles. Malamang na claycourt din ang paggaganapan ng tie kaya makakapaghanda talaga tayo,” dagdag pa ni Kraut.

Sa panig ni Huey, ang sweep ay patunay sa kahandaan ng koponan na sumabay sa mga bigating bansa sa Davis Cup.

“This win proved that we can compete against bigger teams in Asia,” pahagay ni Huey.

Ang mananalo sa second round ang aabante sa finals na gagawin sa Setyembre 13 at 15.

Copyright © PJ LHUILLIER GROUP OF COMPANIES. All rights reserved