News
Pilipinas nakauna sa Davis Cup tie

Bandera
February 2, 2013

NASILAYAN uli ang husay ni Johnny Arcilla sa clay court nang kunin ang 6-4, 5-7, 6-1, 6-2 panalo laban sa number one player ng Syria na si Issam Haitham Taweel sa pagbubukas kagabi ng 2013 Davis Cup Asia-Oceania Zone Group II tie sa Plantation Bay Resort and Spa sa Lapu-Lapu City.

Bagamat walang ranking di tulad ng katunggali, si Arcilla naman ang nagdikta sa tempo ng laro at lumabas ang kanyang husay sa ikatlo at ikaapat na set nang tuluyang ilampaso si Taweel, ang 925 ranked player sa mundo.

Nagpahirap kay Taweel ang mga drop shots na kung saan eksperto si Arcilla upang ibigay sa Nationals ang 1-0 kalamangan sa best-of-five tie.

Ang number one player ng bansa na si Fil-Am Ruben Gonzales ang makakatapat ng number two Syrian netter Marc Abdelnour sa ikalawang singles na kung saan nais ng host country na walisin ang dalawang tagisan.

Sakali manalo si Gonzales, ang Pilipinas ay magtatangkang tapusin na ang tagisan sa doubles ngayong alas-6 ng gabi.

Nominado sa bansa sina Fil-Am Treat Huey at Elbert Anasta laban kina Abdelnour at Majdi Salim. –Mike Lee

Copyright © PJ LHUILLIER GROUP OF COMPANIES. All rights reserved