News
Boracay Run nakalusot sa Café France; Big Chill wagi

Bandera
May 18, 2012


Mga laro sa Martes (Treston Gym, Taguig City)
2 p.m. Blackwater Sports vs Café France
4 p.m. Cebuana Lhuillier vs Erase Plantcenta

Team standings:
NLEX (8-0); Big Chill (6-2); Cebuana Lhuillier (6-2); Blackwater Sports (5-3); RnW Pacific Pipes (4-4); Café France (3-5); Erase Plantcenta (3-5); Boracay Rum (3-5); Junior Powerade (3-6); Cagayan (0-9)

NAIPASOK ni Jaymo Eguilos ang 12-foot jumper may limang segundo nalalabi sa orasan upang bitbitin ang Boracay Rum sa 77-75 panalo sa Café France sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Ang mahalagang buslo na ito ni Eguilos, na may siyam na puntos sa laban, ang nagsantabi sa pagkawala ng 10 puntos kalamangan, 77-65 na naunang tangan ng Waves upang kunin ang ikatlong panalo matapos ang walong laro.

“Hindi ako Masaya sa panalo dahil lumamang kami ng sampu pero marami kaming errors sa endgame,” wika ni Boracay Rum coach Lawrence Chongson.

Nakasalo ngayon ang Bakers sa Waves sa karta pero masakit itong pagkatalo dahil nalagay sa alanganin ang kanilang paghahabol para makuha ang ikaanim at huling puwesto na aabante sa Playoffs

Wala naming masamang epekto ang halos dalawang linggong pamamahinga ng Big Chill nang kanilang durugin ang Erase Plantcenta, 106-69, sa ikalawang laro.

Anim na manlalaro ni Big Chill coach Robert Sison ang tumapos taglay ang doble-pigurang puntos sa pangunguna ni Jessie Collado na may 16, at ang Super Chargers ay sumalo uli sa ikalawang puwesto sa pahingang Cebuana Lhuillier Gems.

“The rust factor didn’t set in because the players are very eager to compete after the two week break,” wika ni Sison.

Kailangan lamang ng Super Chargers na pantayan ang karta sa Gems hanggang sa matapos ang single-round elimination upang masamahan ang NLEX Road Warriors sa semifinals. -Mike Lee



Copyright © PJ LHUILLIER GROUP OF COMPANIES. All rights reserved